
Tila unti-unti nang nagiging bukas sa publiko ang rumored couple na sina Marco Gumabao at Yukii Takahashi.
Nitong Linggo, January 4, 2026, nag-post si Marco sa kanyang Instagram Stories tampok ang video nila ni Yukii habang nagdya-jogging sa UP Diliman, Quezon City.
“We’re done,” maririnig na sambit ni Yukii sa video.
“10K [ten kilometers] done,” saad ni Marco, sabay apir niya kay Yukii.
Sa caption ng video, mababasa naman ang “First run of the year!”

Marami sa tagahanga nina Marco at Yukii ang natuwa at kinilig sa muling pagsasama ng dalawa, makaraang i-post ng dating FPJ’s Batang Quiapo star na si Yukii ang sweet picture nila ni Marco.
Yukii Posts Cozy Photos with Marco and His Family
Matatandaan noong January 1, 2026, nang unang lumutang ang usap-usapan sa relasyon ng dalawa matapos i-post ni Yukii ang kanyang “holiday recap” sa Instagram.
Sa mga litrato ay bakas sa dalawa ang pagiging malapit at komportable sa isa’t isa, lalo na sa group photo kunsaan nakayapos si Marco sa balikat ni Yukii.

Kasama ang pamilya ng aktor sa okasyong iyon.
Partikular na makikita sa larawan ang ina ni Marco na si Loli Gumabao, pati ang nakatatandang kapatid na si Michele Gumabao at asawa nitong si Aldo Panlilio.
Naroon din ang kapatid ni Marco na si Margarita Gumabao at fiancé nitong si Gerry.
Isa pang selfie sweet photo ang ini-upload ni Yukii kasama si Marco habang sila ay nasa lugar na ang overlooking view ay sa Taal Lake.

Bagamat hindi pa malinaw kung magnobyo at magnobya na ba sina Marco at Yukii, marami sa kanilang fans ang nagpakita ng pagsuporta sa dalawa.
Ayon sa kanilang mga tagahanga, bukod sa bagay ang dalawa ay parehas naman daw na single ang mga ito kaya hindi imposible na magkagustuhan.
Ang aktres na si Cristine Reyes ang huling nakarelasyon ni Marco.
March 2023 nang magsimulang maging bukas sina Marco at Cristine tungkol sa kanilang relasyon.
Pagsapit ng April 2025 ay napabalitang naghiwalay sila nang i-unfollow nila ang isa’t isa sa Instagram.
Noon ding buwan na iyon ay nag-follow back ulit sila.
Hanggang sa kasalukuyan ay tikom ang bibig nina Cristine at Marco kung ano ang dahilan at kung kailan sila nagkahiwalay.

