
Netizen: “I-debunk mo na yung issue, Jho…Please magsalita ka na.”
Viral na usap-usapan ngayon sa social media ang BINI member na si Jhoanna Robles, 21, at controversial rapper na si Skusta Clee, 29.
Ito’y matapos mapansin ng netizens ang umano’y pagkakapareho ng kanilang Instagram posts na kuha sa bakasyon nila sa Vietnam.
January 1, 2026, nang mag-post ng mga larawan si Jhoanna kuha sa bakasyon niya sa nasabing bansa.
Sa mga litrato, makikita ang ilang tourist attraction na personal na pinuntahan ng P-pop star gaya ng Temple of Literature, Old Quarter, at Hoan Kiem.

Wala siyang inilagay na caption sa post, maliban sa kantang “Low Lights” ng Malaysian singer na si Kanegi na ginamit bilang background music.
January 3, nag-post naman si Skusta ng mga larawan mula rin sa kanyang bakasyon sa Vietnam.
Batay sa kanyang Instagram post, pinuntahan din niya ang Temple of Literature, Old Quarter, at Hoan Kiem—mga lugar na kapareho ng nasa mga larawan ni Jhoanna.

Gaya ni Jhoanna, wala ring caption ang post ni Skusta maliban sa kantang “Don’t Think They Know” ni Chris Brown na kanyang inilapat sa mga larawan.
Netizens speculate Jhoanna and Skusta are together in Vietnam
Dahil sa pagkakapareho ng mga lugar na kanilang pinuntahan, hindi naiwasang maghinala ng ilang netizens kung magkasama nga bang nagbakasyon ang dalawa.
Dito rin nagsimulang umugong ang espekulasyon na posibleng may espesyal na ugnayan sina Jhoanna at Skusta.
Saad ng isang mapanuring netizen sa Reddit (published as is): “Exactly the same place: Temple of Literature (J standing, S sitting, parehong first pic and both have the identical bonsai pot).
“Same area: Old Quarter, Hoan Kiem (J night food street + ice cream, S “see you again” neon signage).
“Same area: French Quarter, Hoan Kiem (J busy daytime intersection, S french-style balconies).”
Sabi pa ng isa (published as is), “Wth ang random ng pairing ha. Tapos bakit naman halos parehas sila ng pinuntahan? Magka-date yarn?”
May ilan ding netizens na nagpahayag ng hindi magandang opinyon laban kay Skusta, gaya ng isang komento na nagsabing (published as is), “Jhoanna parang awa mo na girl. You’re way too smart and beautiful for that… thing. Please girl
BINI JHONNA’S CRYPTIC POST ON X
Nagpadagdag pa sa espekulasyon ng netizens ang umano’y makahulugang post sa X (dating Twitter) ni Jhoanna noong December 31, 2025.
Patungkol ang nasabing tweet sa tuluyang pagpili ni Jhoanna sa kanyang sariling kaligayahan na walang pag-aalinlangan.
Mababasa rito, “2026 — I choose my own happiness – without guilt, without explanation.”
Dagdag pa rito, ni-repost ni BINI Jhoanna ang reply niya sa isang Bloom (tawag sa fandom ng BINI) noong October 2025 nang tanungin siya nito ng, “Hi Jho! You’ve inspired so many people with your passion. What keeps your heart strong and motivated through all the challenges?”
Sagot dito ni Jhoanna, “What keeps my heart strong is knowing that God knows my heart.
“People can say whatever they want, they can make stories or judge without knowing the truth but at the end of the day, God sees everything and that’s enough for me.
“Kasi as long as my intentions are pure and my heart is right, I don’t have to explain myself to anyone.”

MORE REACTIONS FROM NETIZENS
Habang may mga netizens na naghinala at humusga, marami rin ang dumepensa kay Jhoanna.
Pagtatanggol ng isang fan (published as is), “Luhhh, di porket same destination sila , may something na? 8080 pa rin kayo kahit 2026 na. Emew.”
Sabi ng isa (published as is), “Live life, Jho~ Tama lang ‘yung 2026 mantra mo. Don’t let anyone ruin your happiness & your peace. Loveee youuu always.”
Hamon pa ng isa sa lider ng BINI (published as is), “Idebunk mo na yung issue, Jho. Malala na masyado. Please magsalita ka na. Alam ko hindi totoo yan. Matalino kang tao.”
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na anumang pahayag ang kampo ni Jhonna at Skusta tungkol sa napapabalita nila umanong ugnayan.
Sinubukan ding hingan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang reaksiyon ang dalawa sa pamamagitan ng pagpapapadala ng private message sa Instagram, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa sila sumasagot sa mensaheng aming pinadala.

