
Karla: “Matagal ko nang nami-meet si Kaila….”
Masaya si Karla Estrada kung anuman ang estado ng puso ngayon ng anak niyang si Daniel Padilla.
Nauugnay ngayon si Daniel kay Kaila Estrada matapos mapansin ng kanilang mga tagahanga ang madalas nilang pagsasama sa iba’t ibang private events at ang pagiging malapit nila sa isa’t isa.
Huli silang namataang magkasama noong December 23, nang kapwa sila dumalo sa church wedding ng mag-asawang Zanjoe Marudo at Ria Atayde.

Sa nasabing kasal ay present din ang dating kasintahan ni Daniel na si Kathryn Bernardo, na noo’y solo at walang kasama.
KARLA ADDRESSES RUMORED ROMANCE OF DANIEL AND KAILA
Mabilis na pinag-usapan online ang pagkukrus ng landas nina Daniel at Kathryn.
Lalo pa’t kasama ng aktor ang hinihinalang bagong girlfriend niyang si Kaila.
Noong Lunes, December 29, 2025, nakapanayam ng ABS-CBN News ang ina ni Daniel na si Karla.
Dito ay hiningan siya ng reaksiyon kaugnay ng napapabalitang espesyal na relasyon nina Daniel at Kaila.
Ayon kay Karla, kung anuman ang posibleng namumuong relasyon ng dalawa ay ayaw niyang pangunahan dahil naniniwala at may tiwala siya sa anak na si Daniel.
Saad niya: “Kung ano yung nakikita ko sa anak ko na masaya siya, masaya na rin ako bilang nanay niya.
“Nasa edad na kasi sila, so manggagaling na lang sa kanila dahil hindi na rin naman ako para manguna. Hayaan na natin.
“Kung ano yung nakikita natin, masaya na naman tayo pare-pareho, and I think it’s about time na mag-mature na tayo sa mga ganitong sitwasyon.”
Wala rin umanong kaso kay Karla kung si Kaila man ang nobya ngayon ni Daniel dahil kilala na raw niya ito, pati na ang mga magulang ng aktres.
Pahayag niya, “Okay siya. Matagal ko nang nami-meet si Kaila kasi me and Ate Janice [de Belen] are very close friends, also John [Estrada].”
DANIEL: “Hayaan na nating mangyari ang mga mangyayari.”
Matagal nang bulung-bulungang may namamagitan kina Daniel at Kaila matapos nilang magsama sa defunct action-drama series na Incognito.
Sa panayam ni MJ Felipe ng ABS-CBN News kay Daniel noong October 14, tinanong ang aktor kung siya ba ay may bagong nobya.
Natatawang pag-iwas ni Daniel, “Kain muna tayo.”
Sundot ni MJ, iyon daw kasi ang naging headline sa mga nagdaang araw, lalo na ang pagkakaugnay ng kanyang pangalan kay Kaila.
Ngunit imbes na sagutin ni Daniel kung may katotohanan nga ba ang mga lumabas tungkol sa kanila ni Kaila, sinabi nitong hayaan na lang at antayin ang mga mangyayari.
Saad niya: “Huwag na nating i-pressure yung sarili natin, huwag na nating ilagay sa ganun, i-showbiz pa yun, pero you get my point?
“Lalabas at lalabas, pero ayoko lang na may naghihintay na alam mo yun, hintayin ng tao.
“Hayaan na nating mangyari ang mga mangyayari.”
Pakiusap pa ni Daniel sa mga patuloy na umiintriga sa closeness nila ni Kaila: “Huwag niyo na muna kaming kulitin, just let it be.
“Hayaan na lang nating mangyari ang mga bagay.
“And again, ayoko siyang maging showbiz, e. Well, di pa rin naman maiiwasan, di ba, pero may choice pa rin naman ako, di ba?”

