
Nagbabala si Ronnie Liang, 39, na mayroon siyang poser na ginagamit ang kanyang identity para mang-scam online.
Kuwento niya, may ilang kababaihang napaniwalang si Ronnie ang ka-chat nila online gamit ang artificial intelligence (AI).
Nanghingi raw ng pera ang kanyang poser kapalit ng pagkakataong makipagkita sa kanya sa personal.
“Hindi huminto, e,” bulalas ni Ronnie.
Dati pa raw may gumagawa ng pekeng account at nagpapanggap bilang siya.
“In fairness kay Facebook nade-detect niya pag nare-report [yung poser], nate-turn down naman.
“Ang nangyayari, they create a new one, they create a lot, so parang nakakapagod na.”
Kuwento pa ni Ronnie, may ilang bumiyahe pa mula sa ibang bansa at probinsya para lamang daw makipagkita sa kanya sa Manila.
Huli na raw nang nadiskubre ng mga biktima na gumamit ng AI ang ka-chat nila para magpanggap na si Ronnie ito.
May ipinakita pa si Ronnie sa press na video na naka-upload online na isang may edad na babae na nagkukuwento na nobyo niya raw si Ronnie.
Wala raw magawa si Ronnie sa mga ganitong panloloko na ginagamit siya.
“Pero kawawa na napaglalaruan yung mga babae na gullible. Napagsasamantalahan ang kanilang loneliness at frustration sa buhay,” saad ng binata.
Sabay nagbabala siya na siguruhing magberika bago maniwala sa kung anumang impormasyong nakikita online.
Pahayag ni Ronnie: “Sa mga kababayan natin, huwag po kayong basta-basta maniniwala especially this Christmas season na mayroong aakyat ng ligaw sa inyo at magso-solicit at hihingi ng cellphone o pang-damit, aginaldo.
“Huwag po kayong maniniwala. Hindi po ginagawa ni Ronnie Liang iyon.”
RONNIE LIANG REVIVES “A PERFECT CHRISTMAS”
Ni-revive ni Ronnie ang classic Christmas song ni Jose Mari Chan na “A Perfect Christmas.”
“It’s my new Christmas song, available on Spotify, iTunes, digital Apple Music, ang original po nun ay si Sir Idol Jose Mari Chan,” masayang lahad ni Ronnie.
Unang beses ni Ronnie na mag-revive ng isang kanta ni Jose Mari.
Nagpasalamat siya sa veteran singer, pati na rin sa managing director ng Universal Records na si Kathleen Go sa pribilehiyong gawan niya ng cover ang kanta.
“And dumaan sa masusing approval… Ako po ang nag-produce, ako yung nag-arrange ng lahat, so I just paid the license.
“Medyo mahal lang kasi Jose Mari Chan, naintindihan ko naman,” ang nakangiting kuwento ni Ronnie.
“Pag narinig itong Christmas song na ito mas lalo mong mararamdaman ang espiritu ng Pasko. Lalo na sa panahon ngayon na hindi ko talaga masyadong naramdaman ang spirit of Christmas nowadays.
“I don’t know, iba, e! Ngayon parang iba, something is missing, something is lacking, parang ang lungkot ng ating bansa.
“Kaya ho nag-release ako ng song para maka-contribute naman kahit konti na makapag-send ng good vibes this Christmas season.”
Sunud-sunod ang mga hinarap na pagsubok ng bansa—lindol, bagyo, at korapsyon kaugnay ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
Kaya tingin ni Ronnie ay magandang pagnilayan ang tunay na diwa ng Pasko sa kabila ng mga problema.
“Pero at least ang message ng song is that Christmas is not only about the material things, hindi lang about the Christmas bonus.
“But yung Christmas is about spending time with your loved ones, magkakasama tayong magkakapamilya, magkakapuso, magkakapatid ngayong Pasko.
“Iyon ang pinaka-importante, iyon ang pinaka-essence ng Christmas.”
RONNIE DEDICATES CHRISTMAS SONG TO OFWS, FRONTLINERS
Naalala rin ni Ronnie ang OFWS na malayo sa pamilya at frontliners na patuloy ang serbisyo sa publiko kahit na holiday season.
“And gusto kong i-dedicate iyon sa lahat ng mga OFWs, mga nagtatrabaho na malayo sa pamilya, walang holiday, mga sundalo, mga pulis…
“Yung mga nasa hotel business din, mga nasa restaurant business, mga call center agents, na kahit holiday hindi sila makauwi, in the name of service, in the name of duty.
“Kaya gusto kong ialay sa kanila iyon na, yung Christmas magiging perfect pag nagkakasama-sama tayo ngayong Pasko.”
Ano ang perfect Christmas para kay Ronnie?
Sagot niya: “Sa akin, kagaya yung sinabi din nung song, kaya din napili ko iyon, spending time with your loved ones, especially sa pamilya natin, sa ating nanay at tatay, mga kapatid.
“Kung hindi man iyon, basta kahit magkakaibigan. Yung iba malalayo sa pamilya.
“Importante nandun yung satisfaction, happiness, fulfillment, that we have done something na happy kayo with the family.
“Like ako, I always plan na magkakasama ang family, magdadagat kami, sama-sama kaming kakain, iyon yung perfect Christmas.”
HOW RONNIE CELEBRATES CHRISTMAS
Karaniwan daw na ipinagdiriwang niya ang Pasko sa ancestral home ng pamilya ni Ronnie sa Pampanga.
Kasama niya ang ama at anim na mga kapatid. Ang ina naman niya ay pumanaw noong March 17.
Pero marami raw sila pag nagdiriwang ng Pasko dahil nariyan din ang mga hipag, bayaw, at mga pamangkin.
“Mahigit beinte kami. Pag nagkasama-sama po kami, e, parang may cooking show, kasi Kapampangan kasi, more on pagluluto.
“Nakukumpleto kami. We really make it happen,” saad pa ni Ronnie.
ON JOHNNY MANAHAN
Si Ronnie ay nasa pangangalaga ng Sparkle, ang talent management arm ng GMA Network.
“Nag-expire lang last October then ni-renew nila ako,” saad ni Ronnie.
Hiningan ng reaksyon si Ronnie sa pag-alis ni Johnny Manahan, o Mr. M, bilang consultant ng Sparkle.
Pumirma ng kontrata si Mr. M sa MQAA Artist Agency and MQuest Ventures, na parehong nasa ilalim ng MediaQuest Holdings group.
“It’s an unprecedented event… Hindi ko inaasahan, ang alam ko GMA siya e, Sparkle, nagulat na lang ako nag-sign siya sa Kapatid.
“Pero iyon ang kanyang desisyon. Kung saan siya masaya, and tingin ko naman na-fulfill na niya yung kanyang mission sa Sparkle in a way na nakatulong din siya ng malaki.
“So gusto niya ding i-share siguro yung kanyang skills or kanyang magic, spark, sine-share niya sa mga artista sa channel 5 naman.”

