
Kinoronahang Miss Cosmo 2025 si Yolina Lindquist ng USA, habang first runner-up naman ang pambato ng Pilipinas na si Chelsea Fernandez.
Nagtapat ang dalawa sa debate o rebuttal segment, na siyang huling pagtatapat ng dalawa para sa korona.
Sa final segment, nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa para tanungin ang bawat isa ukol sa kanyang advocacies.
Ang adbokasiya ni USA ay ang cancer awareness, habang si Chelsea naman ay mangrove reforestation.
Sa huli, si USA ang napili ng mga hurado.
Si Chelsea ay maituturing na pageant veteran. Nakapasok siya sa Top 6 sa Miss Universe Philippines 2025 at itinalagang Miss Cosmo Philippines 2025.
Sumabak siya sa Binibining Pilipinas 2022 at hinirang na Binibining Bilipinas Globe.
Lumaban siya sa Miss Globe 2022 at nakapasok sa Top 15.
Sumali rin siya noon sa Miss Philippines Earth 2019 at nahirang bilang Miss Philippines Water 2019.

Sa Miss Cosmo 2025, una munang tinawag ang Top 21 at sumunod ang Top 10.
Matapos matawag ang Top 10, sumunod na tinawag ang Top 5.
Ito ay binubuo nina, Philippines (Chelsea), Brazil (Gabriela Borges) USA (Yolina), Panama (Italoy Mora), at Myanmar (Myint Myat Moe).
Ito ang ikalawang edition ng international pageant.
Higit 70 candidates mula sa iba’t ibang bansa ang naglaban-laban sa pageant.
Ginanap ito sa Creative Park in Ho Chi Minh City, Vietnam, nitong Sabado ng gabi, December 20, 2025.
Ang korona ay ipinasa ni Ketut Permata Juliastrid ng Indonesia, na siyang kinoronahan noong 2024.

