
Makalipas ang labindalawang taon, inamin ni Angelica Panganiban ang dahilan kung bakit tinanggihan niya noon ang hit 2013 Star Cinema movie na Four Sisters and A Wedding.
Sina Angelica, Angel Locsin, Bea Alonzo, at Toni Gonzaga ang orihinal na napipisil na gumanap bilang magkakapatid na babae sa pelikula, bago umatras si Angelica sa noo’y hindi malinaw na dahilan.
Dahil sa pag-atras ni Angelica, si Shaina Magdayao ang ipinalit sa karakter na sana’y gagampanan niya.
Hanggang noong 2021, sinabi ni Angelica na may mga hindi sila napagkasunduang agreement ng Star Cinema kaya siya nagdesisyong umatras sa proyekto.
Angelica names Angel Locsin as reason for turning down Four Sisters and a Wedding role
Fast forward to 2025, naitanong kay Angelica kung mayroon ba siyang proyektong pinagsisisihang hindi tinanggap.
Sa panayam sa kanya ni MJ Felipe sa The B Side noong December 13, inamin ni Angelica na ang proyektong ito ay ang Four Sisters and A Wedding.
Nang tanungin kung bakit, ipinagtapat ni Angelica na dahil sa naging gusot nila noon ni Angel Locsin kaya siya nagdesisyong umiwas na muli silang magkatrabaho.
Lahad niya: “Kakatapos lang kasi namin gawin yung One More Try, and hindi naging maganda yung ending namin ni Angel noon. So, nag-give way na lang ako.
“[Parang sabi ko noon], ‘Maging magkaibigan na lang tayo sa labas ng trabaho, huwag na lang tayo mag-work ulit.'”
Rebelasyon pa ni Angelica, bagamat patok ang Four Sisters and A Wedding sa iba’t ibang henerasyon ay hindi pa rin niya ito pinapanood magpahanggang ngayon.
Saad niya, “Alam mo, hindi ko pa rin pinapanood yung movie na yon. Bubog ko yon.”
Angelica-Angel’S PAST FEUD
Noong 2012, ginawa nina Angelica at Angel ang pelikulang One More Try, kung saan napabalitang nagkaroon sila ng alitan matapos umanong maging totohanan ang sakitan nila sa isang confrontation scene.

Bagamat hindi idinetalye noon ng dalawa ang kanilang naging sigalot, sa isang panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong May 2017 ay sinabi nilang mas pinatibay nito ang kanilang pagkakaibigan.
Pahayag noon ni Angel, “May mga pinagdaanan kami sa past, pero I think kinailangan yun.”
Pagsang-ayon naman ni Angelica: “Dun siguro nakita yung magic ng lahat.
“Parang may mga bagay nga na hindi naman talaga sa umpisa perfect na perfect kayo sa isa’t isa bilang magkaibigan.
“I guess, napakaimportante ding part ng pinagdaanan namin sa friendship namin dun sa mangyayari sa amin sa pelikula.
“Parang, in a way, may touch siya ng ganun, so I’m very excited na mas makilala ko pa uli si Angel.”
Noong 2017, napabalita ang reunion project nina Angelica at Angel sa pelikulang Wife Husband Wife, kasama si Richard Gutierrez.
Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi rin ito natuloy sa hindi tinukoy na dahilan.

