
Netizens are asking why the third driver in the incident was not called.
Ipinapatawag at pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang drivers na sangkot sa nag-viral na road rage incident sa Riverbanks, Marikina City kamakailan.
Bukod sa Show Cause Order (SCO), pinatawan din ng 90-day preventive suspension ang driver’s license ng mga drivers na sangkot, at inilagay sa “alarm” status ang kani-kanilang sasakyan.
Inilabas ng LTO ang anunsiyo sa Facebook page nito noong December 26, 2025.
Nag-viral ang video ilang araw bago sumapit ang Pasko.
Nagkainitan at nagkapisikalan ang mga drivers at mga lulang pasahero ng tatlong sasakyan—isang dark pickup, at magka-convoy na gray at white cars.
Naganap ang insidente habang papasok ang mga sasakyan sa parking lot ng isang mall.
Sa naunang report, sinabing naganap ang insidente noong December 23, 2025.
Dahil sa matinding trapiko, nagkagitgitan ang tatlong sasakyan at naging dahilan para bumaba ang drivers.
Bumaba rin ang mga pasahero at sumali sa away, na nauwi sa sakalan, hampasan, at iba pang klase ng pananakit.
Bukod sa netizens, maging mga artista ay hindi naiwasang magkomento at punahin ang nangyaring gulo.
2 DRIVERS SUMMONED BY LTO IN JANUARY
Itinakda ang pagpapatawag sa mga drivers sa tanggapan ng LTO sa East Avenue, Quezon City, sa darating na January 7, 2026.
Sa inilabas na pahayag, ang pinadalhan ng SCO ay ang mga drivers ng Ford Ranger pickup at Toyota Vios.
Inatasan din ang dalawa na magsumite ng verified at sworn explanation kung bakit hindi sila dapat panagutin sa traffic violations, tulad ng reckless driving at obstruction of traffic.
Kailangan din nilang magpaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanilang mga lisensya.
Na-verify din sa database ng LTO na September 9, 2024, pa nang huling ipa-register ang pickup, kaya’t mananagot din ang owner nito sa compulsory registration of motor vehicles.
Dahil sa “alarm” status ng Ford Ranger pickup at Toyota Vios, ipinagbabawal ang pagbibiyahe ng mga ito habang ongoing ang investigation.
Samantala, maraming netizens ang nagbigay ng positibong komento sa aksiyon na ito ng LTO.
Pero may mga nakapuna kung bakit dalawang drivers lamang ang ipinapatawag, gayong sangkot din sa gulo ang driver ng white car, na siyang nanakal sa driver ng pickup.
Narito ang ilang komento ng netizens:






Samantala, sinikap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kontakin ang LTO ngayong Lunes, December 29, 2025, subalit walang sumasagot sa aming mga tawag.
Nagpadala rin kami ng e-mail sa tanggapan ng LTO para iparating ang komento ng mga netizens.

