
Ibinahagi ni Miss Universe 2025 third runner-up Ahtisa Manalo ang “worst” pageant experience niya sa panayam sa kanya ni Vice Ganda na lumabas sa YouTube noong December 21, 2025.
Hindi man direktang sinabi ni Ahtisa ang tinutukoy niyang pageant, pero si Vice ang nagbanggit na ito ay ang “Miss Cosmo.”
Si Ahtisa ang kinatawan ng Pilipinas sa inaugural Miss Cosmo na ginanap sa Vietnam noong October 5, 2024.
Hanggang sa Top 10 lang umabot si Ahtisa.
Lahad ni Ahtisa: “Oh my God! Alam mo ba, meron akong pageant na sinalihan na gumuho yung stage namin.”
Tanong ni Vice: “Anong pageant yan?”
Sagot ni Ahtisa: “Puwede bang sabihin? Bawal ata.”
Kahit kinulit siya ni Vice ay hindi ito pinangalanan ni Ahtisa. Ang sabi lang niya ay hindi ito local pageant.
Sabi ni Vice, “Ito yung sa Cosmo? O hindi siya nagsabi. Ako.
“Napanood namin sa news. Yung Miss Cosmo. Sa Miss Cosmo, gumuho yung stage.”
Matatandaang nagtamo ng sprained ankle si Ahtisa matapos gumuho ang stage sa unang gabi ng rehearsal para sa Miss Cosmo 2024 noong September 28, 2024.


Pagpapatuloy ni Ahtisa: “Hindi ko alam kung bakit pero magre-rehearsals dapat kami.
“Nagwe-wait kami. Biglang gumuho yung stage. Na-sprain ako.
“Nagkaroon ng fluid yung bone marrow or something. Di ako nakalakad.
“Tas nag-wheelchair ako for a while.
“Ta’s lumaban ako ng prelims tsaka finals na masakit yung ankles ko. As in halos di ako makalakad.”
“Final destination” nga kung ituring ni Ahtisa ang nangyari dahil nagtakbuhan na sila.
Aniya pa, “Kasi nagtakbuhan kami. Para siyang ‘Final Destination’ kasi basta na lang bumabagsak yung scaffolding, ganun.
“As in. I don’t know why no one… Pero may mga pictures, e.”
Dagdag ni Ahtisa, “Tas sabi ng mga tao, nag-iinarte daw ako.”
Biro pa ni Vice, “Di kaya Pilipino yung contractor niya? Substandard yung mga ginawa. Nakakahiya kung Pilipino pa yung gumawa nun, ha.”
Tawang-tawa si Ahtisa sa sinabi ni Vice.

