
Mas naging masaya ang Pasko at Bagong Taon ng concert staff ng mag-asawang TJ Monterde at KZ Tandingan matapos silang makatanggap ng tig-PHP100,000 bilang bonus o Pamasko.
Noong December 13, 2025, ibinahagi ni TJ sa kanyang social media accounts ang video kung paano nila sinorpresa ang kanilang staff.
Sa simula ng video, isa-isang inabutan nina TJ at KZ ng scratch card ang lahat ng miyembro ng kanilang team.
Pakulo ng mag-asawa na paniwalain ang mga ito na may iba’t ibang halagang nakalagay sa kanilang scratch card.

Ani TJ: “Walang uuwing luhaan sa trip na ito.
“Ito yung mga premyo natin: meron tayong pitong winners ng PHP5,000.
“Meron tayong limang winners ng PHP10,000.
“Merong tatlong winners ng PHP20,000.
“Merong dalawang winners ng PHP50,000.
“At merong isang may PHP100,000.”
Isa-isa ring pinagbidyo nina KZ at TJ ang kanilang staff habang kinakaskas ang mga scratch card.
Bakas sa mga mukha ng mga ito ang labis na excitement at kasiyahan habang hinihintay ang lalabas sa kanilang mga hawak na card.
Ang hindi nila alam, pare-parehong PHP100,000 ang nakalagay sa scratch card ng lahat ng staff.


Nang makita ang laman, isa-isang naghiyawan ang mga ito na halos hindi makapaniwala sa aginaldong hatid ng celebrity couple.

“Deserve niyong lahat! Ramdam namin ang puso every single show. Thank you guys,” saad ni TJ sa comments section ng kanyang post.
Ang nasabing regalo ay pasasalamat nina KZ at TJ sa naging tagumpay ng Sarili Nating Mundo world tour.
NETIZENS REACT TO KZ AT TJ’S GENEROSITY
Sa comments section ng post ni TJ, bumuhos ang positibong komento mula sa netizens na natuwa sa regalong hatid ng mag-asawa sa kanilang staff.
Komento ng isang netizen: “So generous naman this couple. Sana more projects pa sa inyo and blessings na rin from God para mas marami pa kayong mapasaya.”
Saad ng isa: “God will bless you 1,000,000x more!!! This is so beautiful.”
Sabi pa ng isa: “Deserve ang sold-out concerts palagi ng dalawang to. Grabe yung pagmamahal nila sa mga tao nila, kaya bine-bless sila.”
Ang Sarili Nating Mundo world tour ay binubuo ng 40 shows sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nagsimula ito sa Smart Araneta Coliseum noong February 13, kung saan na-sold out ang three-night concert ni TJ.
Dahil sa tagumpay nito, nasundan pa ito ng sold-out shows sa Canada, Australia, New Zealand, United States, at Abu Dhabi.
Suportado naman ni KZ si TJ sa buong tour bilang special guest.

